rebyu ng ..seatbelts
Kapit Lang
Quentin Remontino
Rebyu ng Please Fasten Your Seatbelts
Ikalimang koleksyon ng mga tula ng Kilometer64(http://groups.yahoo.com/group/kilometer64/)
Sadyang pagbibiyahe ang tema ng mga koleksyon ng Kilometer64 (KM64), isang kulumpunan ng mga kabataang makata na naglalakbay, tumatambay, at nagkatagpu-tagpo sa isang sulok sa malawak na cyberspace.
Ayon sa mensahe sa kanilang webpage: “Dito sa grupong ito, di kailangang magpagalingan, magpalaliman, ang mahalaga makagawa ka ng isang tulang magbibigay katuturan sa tintang iyong sinayang,” Nang-aanyaya ito ng bukas na pagbabahaginan at palitang-kuro sa anumang hinggil sa tula. Sa huling bilang, mahigit 300 na ang miyembro ng KM64.
Sino ang naaanyayahan? Ang KM64 ay “pinasimunuan” ng ilang mga estudyante sa Taft Avenue. Ikalimang koleksyon ang Please Fasten your Seatbelts na tinipon sa loob ng mahigit isang taon ng isang grupo ng mga manunulat na naglalathala at nakikibahagi sa mga poetry reading at iba pang pagtitipon hinggil sa tula.
Ito’y bukas sa lahat, bagamat matingkad sa mga umiikot na tula sa web ang panlipunang komentaryo at kalakhang paggamit ng wikang Filipino. Mangyari pa’y tila may “di nasusulat” na pagkakaunawaan ang mga taga-KM64 sa pagiging “makabayan” ng kanilang panulaan. Sa pangalan pa lamang, maiisip na ang 40 taon ng Kabataang Makabayan o KM na itinatag noong 1964. May tendensiyang malito ang usyoso sa direksyon ng KM64, lalo kung ang grupo ay makakasalubong lang sa internet. Maaaring hindi rin malinaw, kung bakit pinararangalan sa koleksyon ang mga rebolusyonaryong martir at makata gaya ni Wilfredo Gacosta. Ngunit sa introduksyon ng chapbook, naging malinaw si Alexander Martin Remollino ng KM64: “(ito’y)…mga tula ng pakikibaka para sa bayan…mga tula ng pagtalunton sa salimuot ng buhay.”
Paano ang pagtalunton sa pagtula para sa bayan? Sa unang bungad pa lamang, nagpapaumanhin na ang “Naligaw sa Pagtingin” ni Mary Jane Alejo ( “sadyang di pantay ating mga paa/ at kaya mo pang lakbayin ang ilang libong milya…/ may kalituhan man sa pagitan ng damdamin at tunguhin -- / natuto na akong hindi maligaw sa pagtingin.”)
Magtatanim ng pangamba sa mambabasa kung ituturing na “manifesto” ng grupo ang tulang “kip tiket por inspeksyon” ni Roy Monsobre: (kahit ano pwede/ kahit sino, anumang uri,/ kahit anong lengguwahe,/ kahit anong klase at istilo./ animnapu’t apat na kilometro…/). At sa chapbook, bagamat marami ang mga tulang “makabayan,” ito’y hindi nakaligtas sa mga tula ng tulirong pag-ibig, mala-ars poetica (“Ang makata’y magiging abo rin,/ ngunit hindi ang kanyang/ sipol at halina.”), ng rebeldeng psychedelia ( “toastedmarshamallow sa planet garapata”), at ng mala-Jose Garcia Villa na pagbibida (“Ang kinahinatnan ni Juan Tamad Habang Naghihintay Mabagsakan ng Bayabas sa Ilalim ng Puno ng Mansanas”).Sa pagpasada sa chapbook ng KM64, matingkad ang dalawang suliranin ng sinumang nagnanais na tumula para sa bayan. Ang una ay sino ang bayan, at para kanino ang tula? Ikalawa’y paano? Paano maglilingkod sa bayan ang makata?
Ipinamamalas ng ilang tula ang karanasang aktibista sa lungsod. Ang “Araw ng Pagkakaibigan at Walang Tigil ang Ulan” ni Alejo, at isang halaw, ang “May Day” ni Spin ay parehong pumapaksa sa mga eksena sa isang rali.
Ngunit sa “May Day,” isinisiwalat: “tulad ng tipikal na coño/ Dapat sana’y nanonood/ Tayo ngayon sa Greenbelt 3…/ Pero para tayong nalilibugan/ tila may kumakati sa ating isipan…/Kaya agit tayong tumungo sa Recto…/ Sumigaw // ‘IMPERYALISMO, IBAGSAK!” Hindi mawari kung ito’y pagpuna (o pagkutya)-sa-sarili o seryosong pagpupugay para sa kagitingan ng uring perti-burgis.
Paliguy-ligoy ngunit literal si Rustum Casia sa “mars, intra at tamang pagdura ng plema”: “Ang langit sa piling ng masa. Ang makulay/ na kalawakan ng mga salita. Ang/ gobyerno sa kabundukan…/naroon ang mga guro ng kasaysayan./ ang lipunan para sa atin, isang malaking/ pamantasan.”
Sa mga tula na nagpapakita ng pakikisangkot, simple at tiyak ang mensahe ng mga tulang “Gayagaya” at “Sabjektib kayo dyan” ni Roberto Ofanda Umil (bagamat maaaring pagmulan ng kalituhan ang mga pamagat). Samantala, may malalim na lungkot at pananalig sa “Walang Gabi” ni Umil. Sa tula, ang panunupil ay pambihirang itinutuon hindi sa mga karaniwang aparato ng estado o makapangyarihan. Ang nananaig ay ang personal na kaalaman, pananaliksik o paniniwala upang makarating sa “himlayang walang gabi.” Kung sa husay lamang ng imahe ay naiiba ito sa iba pang mga tula ng premyadong si Umil. Ngunit ano naman ang nais iparating?
Mahusay ang paglalarawan at komentaryo ng prosang tula ng “Seryeng-Hotel” ni Kapi Capistrano (“Banyo Boy,” “Ang Restawrang Itim” at “Eden”), ngunit bakit nga ba ang kanlungan ng mayayaman ang sinisilip at naging paksa? Ang “Mucha’s Grasa” ay nagtatangka sa paglalantad ng kalagayan ng maralita, ngunit sa kanino nga bang punto de bista at lengguwahe?: (“madalas kasi ‘on the road ako’/ kaya eto ‘diet’…/ ako’y isang pulubi/)
Tila nahuhumaling sa imahe ng kabaliwan si Remollino sa “Ang Lalong Baliw,” “Baka Sakaling Tubuan ng Katinuan” at “Emperador Nero, AD 2004.” Sa huli, waring hindi nagtitiwala ang makata na mauunawaan ng mambabasa ang alusyon kay Nero, kaya’t may talababa na mas mahaba pa kaysa sa mismong tula!
Naghahamon naman ang tulang walang pamagat ni Usman Abdurajak Sali: “sa mga bulaang pantas ng panitikan…/ nakangisi silang nakaupo sa matatayog na toreng-garing./ sila ang nagtatakda kung anong estilo ang makasining…/ ay! magiging abo-alikabok ang makukulay nilang balahibo!/ ang maniningil sa kanila’y apoy ng galit ng taas-kamao!”
Ito ang pagtatangka at simulain ng KM64 na kayang marating sa patuloy na pagsisikap ng grupo. Para sa maraming kabataang manunulat, matagal nang hinihintay ang isang organisasyon na may kababaang-loob (tulad ng “maamong baka” ni LuHsun) upang lumikha, magsuri, magpunahan at maglagom. Organisasyong patuloy na magpapaunlad at magpapayabong sa makabayang panulaan.
Marami pa ang maaaring paunlarin sa panulat ng mga taga-KM64. Maaari itong simulan sa tapat na pagsusuri sa sariling pinagmulan at paninindigan, at muling-paghuhubog ng isang makauring pananaw na tiyak na kumikiling -- hindi sa peti-burgis -- kundi para sa masang anakpawis.
Marahil ay hindi naman labis kung ating aasahan sa KM64 ang ibayong pagpupursige, at sa malao’y ang pagtahak sa rebolusyonaryong tunguhin na ibinandila ng KM noong 1964 o Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA noong 1971. Tungo sa isang masalimuot na paglalakbay, kapit lang!